Guro nasawi sa pagligtas sa kabaro na nalulunod sa ilog

BATO, Camarines Sur, Philippines — Maituturing na ba­yani ang isang lalaking guro na nasawi sa pagligtas sa nalulunod nitong kabaro sa ilog sa Brgy. San Roque sa bayang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang nasawi na si Romeo Sison Jr., residente ng Libmanan, Camarines Sur at guro sa San Roque High School sa naturang barangay.

Nakaligtas naman sa kamatayan ang kasamahang guro na si Hemmo Almazan Intia, residente ng Brgy. Divina Pastora, Bato.

Sa ulat, alas-5:45 ng hapon ay magkaangkas sa bisekleta ang dalawang guro pauwi sa kanilang tinutuluyan nang aksidenteng mahulog sa spillway si Almazan at lumubog sa tubig.

Mabilis itong sinaklolohan ni Sison pero ito naman ang tinangay ng malakas na agos ng tubig at nang rumesponde ang mga pulis at mga residente ay patay na nang matagpuan ito.

Show comments