Bomba nilaro: 2 bata patay, 2 pa sugatan

Kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang sina John Kin Gregorio, 8 at John Leo Miro, 6, habang ang mga sugatan ay nakilalang sina Rhea Fe Pucolan, 13, at John Michael Miro, 8.
STAR/File

MANILA, Philippines — Dalawang paslit ang iniulat na namatay habang dalawa pa ang sugatan matapos ang isang malakas na pagsabog ng isang bagay na kanilang nilalaro sa Purok Malipayon, Kumalarang, Zamboanga del Sur kahapon.

Kapwa dead-on-the-spot ang mga biktimang sina John Kin Gregorio, 8 at John Leo Miro, 6, habang ang mga sugatan ay nakilalang sina Rhea Fe Pucolan, 13, at John Michael Miro, 8.

Lumilitaw na isa sa mga biktima ang nakitang naglalaro ng isang “tube” na kalawangin.

Sa pahayag ng lola ng isa sa mga biktima, bigla na lamang silang nakarinig ng malakas na pagsabog at nakitang nakahandusay na ang mga biktima na agad nilang sinaklolohan.

Gayunman, napuruhan ng pagsabog ang dalawang bata na namatay agad habang ang dalawa pang sugatan ay isinugod sa Pagadian City Medical Hospital.

Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa insidente.

Show comments