Jeep nag-dive sa ilog: 1 dedo, 5 sugatan
BAGUIO CITY, Philippines — Isang babae ang patay habang lima pa ang nasugatan matapos na mahulog sa bangin at tuluy-tuloy nag-dive sa ilog ang kanilang sinasakyang pampasaherong jeepney sa Luba, Abra kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Luba Police, ang biktima na kinilalang si Dey-ann del Rosario Biyernes, 23-anyos ng Barangay Supo, Tubo, Abra ay idineklarang dead-on-arrival sa Rural Health Unit (RHU) sa Luba.
Matapos mabigyan ng first aid ay dinala rin sa RHU para malapatan ng lunas ang mga nasugatan na sina Pixie-Ann del Rosario Biernes, 20, ng Supo, Tubo, Abra; Alberto Dogayan, 61, ng Brgy. Tiempo, Tubo; March Annaban Baltazar, 59, ng Brgy. Mayabo, Tubo; Joe Bonggayan Kanor, 48, ng Mayabo, Tubo at ang driver na si Oliver Apangwen Wilan, 39, ng nasabi ring bayan.
Ayon sa mga awtoridad, habang bumabagtas ang pampasaherong jeepney na minamaneho ni Wilan sa Luba-Manabo Road sa Sitio Mapait, Barangay Poblacion, nang biglang parating ang isang sasakyan sa kasalungat na direksyon dakong alas-6 ng umaga.
Sinubukan umano ng jeep na bigyan ng daan ang nasabing sasakyan subalit nawalan ng kontrol ang driver sa manibela hanggang sa tuluy-tuloy na mahulog sa bangin at una ang bubong na nag-dive sa ilog na maraming bato.
- Latest