Contractor nabiktima ng karnaper

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ng katulong ng biktimang si Gabriel Ronquillo Fernando, may asawa, 32-anyos ng Costal Ilaya, Brgy. Malabag, Silang, Cavite, na wala sa lugar kung saan naka-park ang sasakyan ng amo.

CAVITE, Philippines — Nanlumo ang isang contractor matapos na madiskubreng natangay na ng mga ‘di kilalang karnaper ang kanyang pickup truck na nakahimpil lamang sa tapat ng kanyang bahay kahapon sa Brgy. Malabag, bayan ng Silang, lalawigang ito.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ng katulong ng biktimang si Gabriel Ronquillo Fernando, may asawa, 32-anyos ng Costal Ilaya, Brgy. Malabag, Silang, Cavite, na wala sa lugar kung saan naka-park ang sasakyan ng amo.

Ayon kay Fernando, bago sila matulog ay maayos niyang ipinark ang kaniyang kulay orange na Ford Ranger Wildtrak pick-up (NAS-6317) sa tapat ng bahay nito kung saan lagi naman umano niya itong dito inihihimpil.

Kinabukasan dakong alas-6 ng umaga, napansin ng katulong nito na wala sa parking ang sasakyan ng kaniyang amo kung kaya mabilis ginising ang amo at sinabi ang pangyayari.

Agad na nagtungo sa pulisya ang biktima at inireport ang pangyayari na ayon sa kanya ay nagkakahalaga ng P1,739,000 ang nawawala nitong sasakyan.

Nakakalap naman ng mga CCTV footages ang pulisya at huling nakita ang sasakyan ng biktima sa kahabaan ng Diversion Road patungo ng E. Aguinaldo highway at papuntang Maynila.

Show comments