4 notoryus na ‘tulak’ todas sa shootout
MANILA, Philippines — Apat na pinaghihinalaang notoryus na drug pushers ang napaslang matapos na kumasa sa security forces sa magkahiwalay na anti-drug operations sa lalawigan ng Tawi-Tawi at North Cotabato nitong Sabado.
Sa Midsayap, North Cotabato, sinabi ni Lt. Col. Glenn Loreto, commander ng Army’s 34th Infantry Battalion (IB), tatlong suspect ang napatay sa inilunsad na anti-drug operation sa Brgy. Kapinpilan. Midsayap, North Cotabato.
Bandang alas-8:10 ng umaga habang isinisilbi ng pinagsanib na elemento ng Midsayap Police katuwang ang puwersa ng mga sundalo ang search warrant laban sa notoryus na grupo ni Tony Mamintal Doloan at mga kasamahan nito sa sindikato ng droga .
Gayunman, sa halip na sumuko ay nagpaputok ang mga suspect na nauwi sa palitan ng putok na tumagal ng 30 minuto na ikinasawi ng tatlo na kinilalang sina Talus Balundi, Tata Mamintal at Fahad Angagao habang nagawa namang makatakas ni Doloan. Arestado naman ang iba pa ng mga itong kasamahan na sina Hazel Joy Camancho Mamintal, 38, at Satar Canton Manticayan, 23 na huli sa aktong tangan ang tig-isang medium sachet ng shabu.
Nakumpiska rin sa operasyon ang isang Bushmaster rifle, M16 rifle, M14 rifle, isang plastic box na naglalaman ng anim na medium-sized sachets ng shabu shabu at dalawang heaters.
Sa isa pang operasyon, napaslang din ang isa pang notoryus na tulak na si Winnie Basanon, 40, nang makipagbarilan sa tropa ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 6 sa anti-dug operations sa Bintawlan Island sa South Ubian, Tawi-Tawi.
Ayon kay Brig. Gen. Arturo Rojas, Commander ng Joint Task Force (JTF) Tawi-Tawi, si Basanon ay talamak na tulak ng droga sa lalawigan.
Nasamsam sa operasyon ang isang M16 rifle, isang M14 rifle, isang cal. 45 pistol at sari-saring mga drug paraphernalia.
- Latest