Mag-asawa sugatan sa saksak, suspek patay sa martilyo

NORTH COTABATO, Philippines — Malubhang nasugatan ang isang mag-asawa nang sila ay pagtatagain ng suspek na napatay naman ng mister nang martil­yuhin ito sa ulo naganap kamakalawa sa Purok 5, Barangay Kibudtungan, Carmen ng nasabing lalawigan.

Kinilala ang mag-asawa na sina Johnny Diparene, 32, magsasaka at Jovelyn, 18, pawang mga residente ng nasabing lugar.

Patay naman ang suspek na kinilalang si ­Ellie Parat Talipjon, 37, may-asawa, magsasaka at residente rin ng nabanggit na lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Carmen PNP, alas-5:30 ng hapon ay armado ng patalim ang suspek nang pumunta ito sa bahay ng kanyang kapatid na babae at pinatay ang dalawang manok tsaka ininom ang dugo ng mga ito.

Pagkatapos ay bigla na lamang pumasok sa loob ng bahay ng mag-asawa at pinagtataga ang mga ito.

Kahit na may tama ang lalaki ang nakakuha ito ng martilyo at hinataw sa ulo ang suspek dahilan upang bawian ito ng buhay.

Ayon sa hepe ng Carmen Pnp na si Police Major Rey Salgado, batay sa kanilang imbestigasyon pinaniniwalaang may diperensiya sa pag-iisip ang suspek.

Show comments