Mag-asawa, 5 kaanak natupok sa sunog

TIGAON, Camarines Sur, Philippines — Patay ang pitong katao kabilang ang isang mag-asawa matapos makulong sa nirerentahang apartment sa Zone-3, Brgy. Vinagre,Tigaon, Camarines Sur noong Linggo ng gabi.

Halos hindi na makilala ang mag-asawang sina Jason Verdejo, 26; at Angelica Cea Verdejo, 23; anak nilang si Arch Jaydon Cea Verdejo,3; kamag-anak nilang sina Gerard Lee Banaria Cea,13; Leana Ysabel Banaria Cea, 7; Allah Cristina Banaria Cea,na pawang magkakapatid at isa pang hindi nakikilalang biktima.

Sa ulat, alas-11:32 ng gabi nasa kasarapan ng tulog ang mga biktima sa ikalawang palapag nang maramdamang nasusunog na ang kanilang nirerentahang apartment.

Sa bilis nang pagkalat at paglakas ng apoy ay hindi na sila nakababa at tuluyang  nakulong sa loob ng kuwarto sa itaas.

Nabatid na bagong lipat lang ang mga biktima sa nasabing apartment kaya’t hindi umano alam ng mga ito ang fire exit.

Agad rumesponde ang mga pamatay sunog ng Tigaon at kalapit bayan, subalit hindi na nailigtas ang mga biktima hanggang tuluyan nang natupok ng apoy.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang apoy sa unang palapag ng nirerentahang apartment matapos na matumba ang napabayaang kandila. - Doris Franche

Show comments