4 Malaysian na kinidnap, nasagip sa POGO hub
MANILA, Philippines — Nasagip ng mga operatiba ng PNP-Anti Kidnapping Group (AKG) ang apat na Malaysian national na kinidnap at itinago sa isang POGO (Philippine Offshore Gaming Operation) hub na ikinaaresto ng 10 suspek sa isinagawang rescue operation sa San Pedro City, Laguna kamakalawa.
Kinilala ang mga nasagip na sina Tan Hang Yi, Khoo Soon Chiang,Cheam Chun Keat at Jonathan Ting Zhi Haw.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong alas-4 ng hapon noong Sabado nang magsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng PNP-AKG sa #1 J. Sotto St. Chrysanthemum Villa sa Brgy. Chrysanthemum ng nasabing lungsod.
Agad na sinalakay ng dalawang team ng PNP-AKG sa pangunguna ni P/Maj Lowerber Ceralbo at P/Maj Ronaldo Lumactod Jr. ang nasabing lugar matapos makatanggap ng e-mail mula sa PCTC Interpol-NCB Manila na humihingi ng tulong para masagip ang apat na Malaysian.
Nadiskubre ng raiding team na ang lugar kung saan dinala ang mga biktima ay isa ring POGO hub.
Nabatid na naaresto sa pagsalakay ang 10 armadong lalaki na pinangungunahan umano ng isang Chinese.
Ayon sa pulisya, tinatakot at nanghihingi umano ng ransom ang mga suspek sa mga biktima para sa pansamantala nilang kalayaan.
Ang mga biktima at mga suspek ay dinala sa AKG headquarters para sa kaukulang imbestigasyon.
- Latest