Kelot nambato ng driver, todas sa parak

Inaalam pa ng Antipolo Police ang pagkakakilanlan ng lalaki na sinasabing armado ng patalim at bato.
File

RIZAL , Philippines — Isang lalaki na nambato ng isang truck driver ang napatay ng mga rumespondeng pulis matapos silang atakihin din ng saksak sa Brgy. San Jose, Antipolo City kamakalawa ng hapon.

Inaalam pa ng Antipolo Police ang pagkakakilanlan ng lalaki na sinasabing armado ng patalim at bato.

Sa ulat, unang humingi ng tulong sa mga pulis ang driver na si Roy Bacera matapos na pagbabatuhin ng naturang lalaki ang kanyang truck habang binabagtas ang kalsada sa naturang barangay.

Mabilis namang rumes­ponde sina P/SSgt Tony Tayud at P/SSgt Messiah Golla, kapwa nakatalaga sa Police Outpost sa naturang barangay at tinangkang pa­yapain at pasukuin ang lalaki dakong alas-5 ng hapon. Pero sa halip namang sumuko, ang mga pulis ang pinagbalingan ng suspek at pinagbabato sanhi upang tamaan sa braso si Golla. 

Hindi pa nasiyahan, bumunot ng patalim ang lalaki at sinugod ng saksak ang mga pulis, kaya’t binaril na siya ni Golla sa hita.

Kahit sugatan, tuloy pa rin umano sa pag-atake sa mga pulis ang lalaki kaya’t muli siyang binaril ni Golla, upang depensahan ang kanilang sarili. Nang bumagsak ang lalaki, kaagad na dinala sa ‘di tinukoy na pagamutan ngunit idineklarang dead-on-arrival. 

Show comments