Encounter: 3 sundalo, 2 terorista utas
MANILA, Philippines — Tatlong sundalo at dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah Ranao fighters ang nasawi matapos na makasagupa ng tropa ng mga sundalo ang teroristang grupo sa Tubaran, Lanao del Sur nitong Huwebes ng hapon.
Sinabi ni Col. Gerry Besana, spokesman ng AFP Western Mindanao Command, dakong alas-5:04 ng hapon nang makasagupa ng 49th Infantry Battalion (IB) ng Phl Army ang grupo ni Abu Dar sa Brgy. Dinaigan, Tubaran ng lalawigan.
Ayon kay Besana, kasalukuyang sinusuyod ng tropa ng militar ang nasabing lugar nang makasagupa ang 10 miyembro ng grupo ni Dar na nauwi sa mainitang bakbakan na tumagal ng isang oras at kalahati. Napatay dito ang dalawang terorista na narekober sa encounter site ng tropang gobyerno.
Gayunman, tatlong sundalo na hindi muna pinangalanan ang nagbuwis ng buhay sa nasabing bakbakan.
Narekober sa encounter site ang dalawang cal 5.56 rifles at isang M203 grenade launcher, isang cal. 45 pistol, isang rifle grenades, mga bala at isang bandolier na gamit ng mga napaslang na Dawlah Islamiyah-Ranao na nalalabi pang miyembro ng Maute terrorists.
Nilinaw naman ni Besana na walang nawawala sa tropa ng military taliwas sa unang napaulat na tatlong sundalo ang missing-in-action matapos na hindi makabalik na sa kanilang unit.
Nito lamang Marso 11, una nang napaslang sa pakikipagbakbakan sa tropa ng 55th IB ang dalawang miyembro ng teroristang grupo na sina Abu Tahir at Abu Jihad sa Brgy. Calaludan, Pagayawam, Lanao del Sur.
“We are advancing upon the enemy target with deliberate offensives, hitting and inflicting heavy casualties on Dawlah Islamiyah fighters,” pahayag naman ni Lt. Gen. Arnel Dela Vega, commander ng AFP Western Mindanao Command.
- Latest