SUV at kotse nagsalpukan: 4 patay
ZAMBALES, Philippines — Apat na katao ang nasawi habang tatlo pa ang sugatan matapos na magbanggaan ang isang SUV at kotse sa Brgy. San Rafael, bayan ng Cabangan kahapon.
Ayon sa ulat ng Zambales Provincial Police Office, dakong alas-2:40 ng hapon habang binabagtas ng isang kulay abong Montero Sport (UQI 990) at Toyota Vios (VDX 231) ang national highway sa magkabilang direksyon nang biglang mag-over take ang Toyota Vios na minamaneho ni Danilo Ladrigan.
Hindi na nakaiwas si Gilbert Elorde, nagmamaneho at may-ari ng Montero Sport sa ginawang pagsalubong ni Ladrigan na naging sanhi ng aksidente.
Dead-on-the-spot si Ladrigan at misis nito na si Jo Rubylyn Panoy; isang Camille Lapuz, 22; ng Brgy. Burgos, San Marcelino at Maria Ofelia Ebue. Himala namang nakaligtas ang kanilang 2-taong gulang na anak na babae.
Agaran namang sinugod si Elorde sa President Ramon Magsaysay Memorial Hospital (PRMMH) sa Iba matapos magtamo ng maraming pinsala sa katawan habang ang iba pang pasahero na sina Noralyn Zepeda, 46; at Elmer Quintero, 53; ay isinugod sa Sta. Cecilia Medical Center sa Iba.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon na “human error” ang naging sanhi ng aksidente na patuloy na iniimbestigahan ng Cabangan Municipal Police. (Joy Cantos)
- Latest