Misis na napadaan lang, kinatay!
Killer nasambit bago mamatay
LEGAZPI CITY, Albay – Kalunos-lunos na kamatayan ang sinapit ng isang 48-anyos na misis matapos na pagtatagain ng kanyang ka-barangay na lalaki na nag-aabang sa unang mapapadaan sa kanyang lugar sa Brgy. San Andres sa bayan ng Pandan, Catanduanes noong Linggo ng umaga.
Nabanggit pa ng biktimang si Emilda Barro sa mga rumespondeng pulis bago mamatay habang ginagamot sa Pandan District Hospital ang pangalan ng suspek na si Lucio Zapanta, 50- anyos, kapwa residente ng nasabing barangay.
Sa ulat, naikuwento mismo ng biktima bago siya nalagutan ng hininga sa ospital ang buong insidente nang pananaga sa kanya ng suspek.
Ayon sa ginang, dakong alas-6:30 ng umaga, habang siya ay naglalakad lamang sa nasabing lugar nang bigla siyang harangin sa kanyang daraanan ng suspek na may dalang itak. Hindi na nakaiwas pa ang biktima nang lapitan ng suspek.
Gayunman, humingi muna umano ng paumanhin ang suspek sa biktima sa salitang “Pasensya na manay, ikaw ang unang dumaan” bago siya pinagtataga sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa tulong ng mga opisyal at mga residente ng barangay agad kumilos ang mga pulis at naaresto ang nasorpresang si Zapanta.
Pinaniniwalaan na may mga napatay na rin ang suspek sa tuwing mag-aabang ng kanyang mabibiktima.
- Latest