1 pang obrero, patay sa Hanjin
SUBIC BAY FREEPORT, Philippines — Matapos ang dalawang araw, isa pa sa apat na manggagawang nalaglag mula sa tinutungtungang platform habang nagtatrabaho sa isang barko sa loob ng Hanjin shipyard noong Mayo 12 ang namatay na rin kahapon sa Baypointe Hospital dito.
Kinilala ang biktima na si Valian Dela Cruz, 39, tubong Zambales, at empleyado ng Binictican I-Tech, isang subcontractor ng Hanjin na nasawi dahil sa tinamong sugat sa ulo matapos na malaglag.
Nauna rito, nasawi si Ferdinand Leuterio, 38, isang foreman mula Leyte, dahil sa internal organ injury.
Dalawa pa sa kasama sa nalaglag na sina Johnny Alegre, 39, ng Quezon City at Gerry Bayuta, 34, ng Tarlac ay sinasabing nananatili pa sa ICU ng ospital.
Si Alegre ay nagtamo ng head injury samantalang si Bayuta ay nagkaroon ng pagkabali sa kanyang likod matapos ang pagbagsak.
Sinuspinde na ng Department of Labor and Employment o DOLE at ng Subic Bay Metropolitan Authority ang operasyon ng Binictican I-Tech.
Siyam na obrero ang nasa platform nang maganap ang insidente ngunit ang lima ay nagawang kumapit sa scaffolding at nailigtas.
- Latest