2 ‘drug pusher’ tiklo sa P1.3-M shabu
MANILA, Philippines - Bagsak kalaboso ang dalawang umano’y notoryus na tulak ng illegal na droga matapos na makumpiskahan ng P1.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Poblacion Ward 1, Minglanilla, Cebu nitong Huwebes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Marjun Ortega, 25 anyos at Sonny Boy Alivio, 23, pawang nasa drug watchlist ng pulisya.
Sa ulat ni Supt. Dexter Calacar, hepe ng Minglanilla Police, bandang alas-10 ng gabi nang magsagawa ng anti-drug operation ang kanyang mga tauhan laban sa mga target na tulak ng droga sa lugar.
Hindi na nakapalag ang mga suspek matapos na dakpin ng mga awtoridad sa aktong nagbebenta ng shabu sa kanilang mga tahanan sa lugar na nagsisilbi nilang drug den at kanilang mga parokyano sa droga.
Nasamsam mula sa tahanan ng mga suspek ang aabot sa 115 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.357 milyon at P1,500 cash na hinihinalang kinita nila sa pagbebenta ng illegal na droga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasakoteng suspek.
- Latest