Mag-utol na holdaper natimbog

ANGELES CITY, Philippines – Dahil sa pinaigting na operasyon ng “Lambat Sibat” ng PNP, nasakote ang magkapatid na itinuturing na kilabot na holdaper na kumikilos sa lungsod ng Angeles, kamakalawa.

Sa report ni C/Insp. Arnel Santiago, Police Station 6 commander, ang mga suspek ay sina Rosauro Zablan, 36, at kapatid na si Ronald Zablan, 23, pawang residente ng Santo Tomas, Pampanga.

Dakong alas-4:00 ng madaling-araw nang maglatag ng checkpoint ang pulisya at naharang ang dalawa sa Brgy. Ninoy Aquino.

Positibo naman silang itinuro ng kanilang nabiktima partikular si Ladylyn Badua na hinoldap noong Miyerkules ng madaling-araw. Naglalakad ang biktima pauwi sa kanilang bahay nang harangin siya ng magkapatid at tinutukan ng baril at pilit na kinuha ang kanyang bag na naglalaman ng mahalagang gamit kasama ang wallet na may lamang cash.

Narekober sa mga suspek ang isang kalibre .22 na baril at tricycle na kanilang ginamit na walang kaukulang dokumento.

Kasong Robbery with Intimidation ang kakaharapin ng mga ito, at kasalukuyang nakapiit na sa Angeles City detention cell.

Show comments