29 mountaineers na-trap sa Mt. Pinatubo, nasagip
MANILA, Philippines – Nasagip ng mga awtoridad ang 29 mountaineers na-trap sa Mt. Pinatubo sa inilatag na rescue operation kahapon sa bayan ng Porac, Pampanga.
Sa pahayag ni AFP Spokesman Col. Restituto Padilla, dalawang babaeng trekker at isang lalaki ang sugatang nasagip at dinala na sa pagamutan.
Nabatid na napilitan na ang mga hiker na tumawag sa Pampanga Tourism Office dahil naubusan ng pagkain at tubig matapos na ma-trap sa tuktok ng Mt. Pinatubo na inakyat ng mga ito noong Sabado.
Nang mabatid ang insidente ay agad nagdispatsa ng isang Sikorsky S 76 aircraft at UH-IH helicopter ang Philippine Air Force mula sa Crow Valley, Tarlac upang tumulong sa rescue operations.
Nagdispatsa rin ng military truck ang Philippine Army na naka-standby sa bayan ng Porac, Pampanga.
Samantala, ayon sa Office of Civil Defense Region 3 Spokesman Nigel Lontoc, hindi nakipagkoordinasyon at hindi rin humingi ng clearance o permiso sa Tourism Office ang mga na-trap na mountaineers nang umakyat sa Mt. Pinatubo.
Kabilang naman sa nagsasagawa ng rescue operations bukod sa AFP ay ang Porac PNP, Quick Response Team ng Porac at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Pampanga.
- Latest