Grade 8 stude, nalunod

MANILA, Philippines – Hindi na umabot ng Kapaskuhan ang 18-anyos na Grade 8 student matapos itong malunod sa Angalakan River sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan noong Biyernes. Idineklarang patay sa Region 1 Medical Center ang biktimang si Joselito Javier, Grade 8 student sa Mangaldan National High School. Sa ulat ng Panga­sinan PNP na isinumite sa Camp Crame, ang insidente ay ini-report sa pulisya ni Glaycel de Ocampo, guro sa nasabing eskuwelahan na sinamahan ng estudyante nito bandang alas-2:30 ng hapon. Base sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng umaga nang magkayayaan ang mga mag-aaral kabilang ang biktima na maligo sa nasabing ilog. Ang biktima kasama ang mga kamag-aaral na sina Jomari Narvarte, Mico Abrazlao, at si John Mangopos  ay sinasabing hindi nagpaalam sa kanilang mga guro. Sa salaysay ng mga kaibigang estudyante, habang naliligo sa ilog ay aksidenteng napagawi sa malalim na bahagi ng ilog ang biktima kaya nalunod.

Show comments