P1.8-M ari-arian naabo sa sunog

STAR/File photo  

CEBU, Philippines – Tinatayang aabot sa P1.8 milyong ha­laga ng ari-arian ang naabo matapos masunog ang isang gusali, apat na bahay at tatlong sasakyan sa Barangay Corazon, bayan ng Catmon, Cebu kamakalawa ng madaling araw.

Kabilang sa nasunog sa commercial building ay ang mga tindahan nina Ruth Marie Fruta, Rene Coli­nares, Victor Nueza, Mona Climaco at Linda Duran.

Nadamay din sa sunog ang mga bahay na pag-aari nina Peter Molihon, Rogelio Pontillas, Nicolas Fruta, at Rasario Rolle habang nasunog din ang isang kotse, motorsiklo at isang traysikel.

Hindi naman masyadong nasunog ang mga tindahan nina Florante Rolle, Jose Villanueva, Apolinaria Orio, at Renagen Matus na pawang nasa kabilang gusali.

Umabot sa second alarm ang sunog bago maapula bandang alas-3:10 ng madaling araw matapos rumesponde ang mga bumbero mula sa mga bayan ng Carmen, Sogod, at Danao. Ayon kay FO1 Ramuel Supieza, nagsimula ang apoy sa loose outlet ng refrigerator sa tindahan ni Ruth Marie Fruta. Freeman News Service

Show comments