Retiradong pulis niratrat

MANILA, Philippines – Binistay ng bala ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan ang isang retiradong pulis sa Brgy. Balobo, Lamitan City, Basilan nitong Sabado ng umaga. Dead-on-the-spot sa tinamong mga tama ng bala ng cal. 5.56mm rifle ang biktimang kinilalang si Ramon Lahaman, 49-anyos, residente ng nasabing lugar. Sa ulat ng Basilan Police, naganap ang insidente sa Brgy. Balobo, Lamitan City ng lalawigang ito bandang alas-9:20 ng umaga. Base sa imbestigasyon, bigla na lamang niratrat ang biktima ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan na bigla na lamang sumulpot sa nabanggit na lugar. Ang biktima ay nagtamo ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan na siyang dagliang kumitil sa buhay nito. Isinasailalim pa ng pulisya sa masusing imbestigasyon ang motibo ng krimen. Joy Cantos

Show comments