Saksak para sa utol sinalo, CAFGU dedo

MANILA, Philippines - Nagbuwis ng buhay ang isang aktibong miyembro ng CAFGU makaraang saluhin ang saksak na dapat ay sa kaniyang naka­babatang kapatid habang  umaawat sa away sa Sitio Mangga, Brgy. Bunguiao, Zamboanga City, kamakalawa ng hapon. Kinilala ni Sr. Inspector Robert Ortega ang nasawing biktima na si Gani Sampuyung, 38, nakatalaga sa Dita CAFGU detachment  at residente ng Brgy. Sangali sa lungsod. Nakilala naman ang suspek na si Fernando Sta Maria, naninirahan sa Brgy. Bolong ng nabanggit ring siyudad na pinaghahanap na ng pulisya. Base sa imbestigasyon, sinabi ni Ortega na naganap ang insidente alas-2 ng hapon habang kasalukuyang nag-iinuman sa lugar ang suspek at ang nakababatang kapatid ng biktima sa tahanan ni Orlando Francisco nang magkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo na nauwi sa suntukan. Tinangka namang umawat ng biktima matapos na pumagitna sa away ng kapatid at ng suspek pero ito ang sumalo ng saksak na dapat ay sa kanyang utol.   Nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na bagaman nagawa pang maisugod sa Mindanao Central Sanitarium Hospital ay idineklara ng dead-on-arrival. Ang kasong ito ay iniimbestigahan na.

 

Show comments