SUV vs armoured car: 1 patay, 5 sugatan

TUGUEGARAO CITY, Philippines – Patay ang isang 52-anyos na drayber samantalang su­gatan ang sakay nitong babae at apat  pang okupante nang nakasalpukan niyang armoured vehicle ng Land Bank of the Philippines (LBP) na sinasabing may kargang pera sa Brgy. San Manuel, Naguilian, Isabela kama­kalawa.

Kinilala ni Chief Insp. Ronnie­ Naira, hepe ng pulisya ng Naguilian ang nasawi na si Ricardo Valdepenas, ng Cauayan City at driver ng Ford Everest na pag-aari ng Ecofuel Inc. na nangangasiwa ng Bio Ethanol Plant sa San Mariano, Isabela.

Sugatan ang sakay ni Valdepenas na si Lucia Panganiban, 36, na kanilang service manager sa kumpanya.

Ayon kay Naira, pinaniniwalaang inantok si Valdepenas kung kaya’t nang-agaw ng linya sa highway. Dahil dito, malakas na bumangga ang sasakyan nito sa kasalubong na armoured vehicle na minamaneho ni Jayson Pascua na sugatan sa na­sabing salpukan.  Nasu­gatan din ang mga sekyu ng bangko na sina Warlord Alviar 38, Reynold Oliveros, 33, at Timoteo Melchor, teller ng LBP.

Agad na naisugod ang mga sugatan sa Gov. Faustino Dy Sr. Memorial Hospital sa kabisera ng Ilagan City.Dahil sa lakas ng banggaan, ideklara ng mga manggagamot na dead-on-arrival si Valdepenas.  Hindi naman nagalaw ang perang karga ng armoured vehicle na todong naka-kandado sa loob ng armoured van. Raymund Catindig

 

Show comments