Brgy treasurer itinumba

CAMP SIMEON OLA , Legazpi City, Philippines ­— Binistay ng bala ang isang ingat yaman ng barangay ng hindi pa nakilalang mga armadong lalaki na nanloob sa tahanan nito sa Brgy. Magbalon, Cawayan, Masbate kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Demecilio Empas, 50 anyos, may-asawa at residente ng nasabing lugar.

Sa ulat ng pulisya ang pamamaslang ay naganap dakong alas-9:25 ng gabi habang ang biktima ay nasa loob ng kanyang bahay at abala sa panonood ng kanyang paboritong palabas sa telebisyon.

Nang ang dalawang di-nakikilalang mga suspek na armado ng cal. 9mm at shotgun ang bigla na lamang na pumasok sa loob ng kanyang bahay at walang sabing pagbabarilin ng mga ito ang opisyal ng barangay na nakaupo sa sala ng kanyang bahay.

Matapos ang ginawang pamamaslang ng mga suspek ay mabilis ang mga itong tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.

Sa kasalukuyan, patuloy ang masusing imbes­tigasyon sa motibo ng krimen.

 

Show comments