2 obrero patay sa road mishap

GAPAN CITY, Nueva Ecija, Philippines – Nagdulot ng kamalasan ang Biyernes trese matapos na masawi ang dalawang obrero habang nakaligtas naman ang 4 anyos na batang anak ng isa sa mga ito nang mabundol ang sinasakyan nilang motorsiklo ng isang van sa Maharlika highway, Brgy. Sto Cristo Norte ng lungsod.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Rufino Tadeo Jr., 34, may-asawa ng Brgy. Sto. Cristo Norte; at Rogelio Norte, 47, may-asawa ng Barangay Balante ng lungsod ding ito.

Ginagamot naman ngayon sa Dr. Paulino J. Garcia Hospital sa Cabanatuan City ang anak ni Tadeo Jr., na si Froilan.

Sa imbestigasyon, nabatid na galing sa construction site  ang mga biktima pasado alas-5 ng hapon nitong Biyernes trese at pauwi sa kanilang tahanan sakay ng kulay itim na motorsiklo na walang plaka ng mangyari ang insidente.

Kasalukuyang binabagtas ng mga ito ang kahabaan ng national highway patungo sa direksyong pa-timog at kasunod naman ng motorsiklo ng mga ito ang isang Mitsubishi canter reefer van( RMP-465) na minamaneho ni Ike Sanchez, 48, may-asawa ng Barangay Bungo ng lungsod na ito. Nagtangka umanong mag-overtake ang close van ngunit nabundol nito ang motorsiklong minamaneho ni Tadeo, na nagresulta sa kamatayan ng dalawang biktima.

 

Show comments