Misis dinedo ng mister saka nag-suicide

BULACAN, Philippines – Pinaniniwalaang panlalalaki ang isa sa motibo kaya pinagsasak­sak hanggang sa mapatay ang 36-anyos na misis ng kanyang mister kung saan nag-suicide naman ito sa inuupahang apartment sa Barangay Tanawan, bayan ng Bustos, Bulacan kahapon ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang pinatay na si Rosemarie Nuñez habang nagbigti naman si Josepino Bajamundi, 53, kapwa nakatira sa #134-A sa nabanggit na barangay.

Sa ulat ni P/Chief Insp. Arwin Tadeo, natagpuan ang duguang katawan ng babae sa kusina habang nakabigti sa ilalim ng hagdanan ang katawan ng lalaki.

Sa masusing imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na  nakatanggap ng ulat ang mister na nasa ibang bansa kaugnay sa ginagawang panlalalaki ng kanyang misis.

Gayon pa man, gumawa ng paraan ang mister na makauwi para kumpirmahin ang natanggap nitong ulat mula sa isang kaibigan.

Matapos subaybayan at makumpirma ng mister ang ulat ay kinompronta nito ang misis na nauwi sa mainitang pagtatalo hanggang sa mapatay sa saksak ang babae dahil sa matinding panibugho.

Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang suicide note ng lalaki na humihingi ng kapatawaran sa kanyang mga anak sa ginawang krimen.

Show comments