Road mishap, 1 sundalo todas, 12 pa sugatan

MANILA, Philippines - Isang sundalo ang nasawi habang 12 pa ang na­sugatan sa magkakahiwalay na sakuna sa lansangan sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay at Masbate kamakalawa.

Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, kinilala ang nasawing biktima na si Pfc Nurhosien Estino, 34 anyos ng Army’s 35th Infantry Battalion.

Bandang alas-12:50 ng tanghali kasalukuyang lulan ng motorsiklo si Estino nang makabanggaan nito ang kasalubong na Toyota Hilux (YCA-265) na minamaneho ni Adelaida Tan sa kahabaan ng national highway, Brgy. President Roxas, RT Lim, Zamboanga Sibugay.

Sa lakas ng pagka­kabangga ay tumilapon sa motorsiklo si Estino na agad binawian ng buhay sa insidente habang bo­luntaryo namang sumuko sa pulisya ang driver.

Sa isa pang insidente, sinabi naman ni Major Angelo Guzman, Spokesman ng Army’s 9th Infantry Division(ID) na 12 sundalo ang nasugatan matapos na maaksidente ang sinasakyang KM 450 military truck na lulan ang 17 sundalo ng Army’s 9th Infantry Battalion sa highway ng Brgy. Marcella, Uson, Masbate dakong alas-10:10 ng gabi kamakalawa.

Kasalukuyan ng nilalapatan ng lunas sa Masbate City Hospital ang mga biktima kung saan walo sa mga ito ang grabe ang tinamong sugat sa katawan.

Show comments