Killer ng UPLB coed sumuko na

MANILA, Philippines - Sumuko na kahapon ang pangunahing suspek sa  pamamaslang sa 19-anyos na estudyante ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) sa Biñan City, Laguna noong Nobyembre 19 ng tanghali.

Isinuko sa pulisya ng kaniyang lolong si Gonzalo Atienza ang suspek na si Benigno Cayetano Nayle na positibong itinuro ng dalawang testigo kabilang ang tiyuhin nito na nakitang tumatakbo palabas sa tahanan ng biktimang si Maria Victoria Reyes, 3rd year  Bacherlor of Science in Agriculture student.

Si Reyes ay natagpuang ng kanyang ama na du­guang naghihingalo dahil sa tinamong saksak sa kaliwang dibdib kung saan idineklarang patay sa ospital.

Sa ulat ni P/Senior Supt. Fausto Manzanilla Jr. ang suspek ay sinasabing nagtago sa bahay ng kanyang lolo na dating chairman sa Barangay Sambat, Tanauan City, Batangas kung saan nagdesisyon ang matanda na isuko sa pulisya ang kanyang apo matapos malaman ang insidente.

Itinanggi naman ng suspek na siya ang responsable sa krimen pero ang mismong tiyuhin nito ang nagturo sa kaniyang pinagtataguan sa Tanauan City.

Samantala, matapos ang krimen ay nagpalabas ng P400,000 reward ang pamahalaang lokal ng Laguna para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa suspek.

 

Show comments