Gazz Angels balik sa winning form
MANILA, Philippines — Bumawi ang Petro Gazz mula sa nauna nilang kabiguan matapos gibain ang Capital1 Solar Energy, 25-11, 25-19, 25-14, sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 19 points mula sa 15 attacks, 3 aces at 1 block para banderahan ang Gazz Angels (5-2) na nagmula sa isang five-set loss sa Chery Tiggo Crossovers.
“It’s good to get a win coming off a loss, I’m really proud of my team for being able to bounce back the way we did,” sabi ni Van Sickle.
Nag-ambag si Jonah Sabete ng siyam na puntos, habang may pito at tig-anim na marka sina Remy Palma, Kecelyn Galdones at Ivy Perez, ayon sa pagkakasunod.
Ayon kay Van Sickle, hindi nila minamaliit ang mga mahihinang koponan sa torneo.
“It doesn’t matter who the other team is. Capital1 is a very scrappy team. But as long as we stay focused, we can get things done,” said Van Sickle.
Laglag ang Solar Spikers sa 1-6 baraha at nakahugot kay Des Clemente ng anim na puntos.
May limang marka si Heather Guino-o kasunod ang tig-apat na puntos nina Janeca Lana at Sydney Niegos.
Kaagad nagposte ang Petro Gazz ng 10-0 bentahe kontra sa Capital1 sa first set na nagtuluy-tuloy hanggang sa kumpletuhin ang three-set sweep.
Sa ikalawang laro, pinatumba ng Chery Tiggo ang Nxled, 23-25, 25-23, 25-16, 25-20.
Ito ang ikatlong sunod na pananalasa ng Crossovers para itaas ang kanilang kartada sa 5-2.
Humataw si Mylene Paat ng 15 points kasunod ang 12 markers ni Eya Laure.
Bagsak ang Chameleons sa 1-5.
Magkakaroon ng break ang torneo bilang pag-obserba sa Holy Week.
Magpapatuloy ang liga sa Abril 2 kung saan maghaharap ang Choco Mucho (5-1) at Galeries Tower (2-4) sa alas-6 ng gabi matapos ang upakan ng PLDT Home Fibr (5-1) at Akari (2-4) sa alas-4 ng hapon.
- Latest