Jumper ni Tolentino naglusot sa Northport
MANILA, Philippines — Nilustay ng NorthPort ang malaking bentahe bago maitakas ang 115-113 panalo kontra sa Blackwater at mapanatili ang tsansa sa playoffs ng 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Caloocan Sports Complex.
Sumaklolo si Arvin Tolentino para sa Batang Pier nang ibuslo ang winning jumper sa huling siyam na segundo tungo sa 5-6 kartada sa pagtatapos ng kanilang kampanya.
Tengga sa No. 8 ang NorthPort para sa huling tiket sa quarterfinals subalit dedepende pa ang kapalaran sa mga huling laban ng Meralco (4-5) at Blackwater (3-6).
Dahil sa panalo ng Batang Pier ay laglag na rin sa kontensyon ang Phoenix Fuel Masters (3-7) kagaya ng Converge FiberXers (1-8).
Nagbuhos si Tolentino ng 27 points, 11 rebounds, 7 assists at 2 blocks para trangkuhan ang NorthPort na nagtala ng 19-point lead sa third quarter.
Umalagwa ang Batang Pier sa second quarter, 34-18, upang makapagtayo ng 66-48 abante sa halftime bago lusawin ito ng Bossing simula sa third period at makalapit sa 81-88 papasok sa payoff period.
Hindi na naawat ang Blackwater hanggang sa dulo nang lumamang pa sa 113-107 matapos ang free throw ni Troy Rosario subalit iyon na ang naging huli nilang sunggab nang magliyab si Tolentino para sa NorthPort.
Napurnada ang season-high na 33 points ni Rosario.
- Latest