Hling Eba sa Paraiso (135)
Nanginginig sa takot ang boses ni Marianne nang tumawag kay Drew. Ito ang unang tawag ni Marianne sa kanya mula nang umalis siya sa Maynila para bisitahin si Tikoy sa probinsiya na naospital matapos bugbugin. Bago siya umalis, mahigpit niyang ipinagbilin kay Marianne na tumawag sa kanya anuman ang mangyari. Ipinagbilin din niya na huwag lalabas ng bahay kung hindi rin lang kailangan. Sinabi rin niya kay Marianne ang sekretong daan sa likod ng bahay.
“Bakit ka tumawag Marianne?’’ tanong niya.
“May mga lalaking laging nakatingin dito sa bahay. Kahapon ko pa napansin na parang nag-aaabang. Natatakot ako, Drew,’’ sabi ni Marianne.
“Ngayong oras na ito, may nakikita ka ba?’’
“Oo—tatlong lalaki!’’
“Hindi mo namumukhaan kung mga tauhan ni Mr. C?’’
“Hindi. Ngayon ko lang nakita ang mga ito!’’
“Nakatambay ba sila sa harap?’’
“Hindi. Mabagal ang kanilang paglalakad pero ang direksiyon ng tingin ay dito sa bahay.’’
“Nakakandado ba ang gate?’’
“Oo.’’
“Ang main door, nakasara ba?’’
“Oo.’’
“In case na magpipilit silang pumasok, tumawag ka sa hotline ng pulis o sa barangay. Nakasulat sa pinto ng aking kuwarto ang number.’’
“Oo Drew.’’
“Kung nakapasok sila sa bahay, alam mo na ang gagawin—sa sekretong daan sa likod kayo dumaan ni Lola Ela. Itinuro ko na sa iyo kung paano aalisin ang harang ng secret passage di ba.’’
“Oo Drew, alam ko na ang gagawin ko. Pero ang problema ay si Lola. Mahina siyang maglakad. Masakit ang mga tuhod niya.’’
Problemado si Drew sa sinabi ni Marianne.
Kinunsulta niya si Luke na noon ay nakikinig. Ipinayo ni Luke na iwanan ni Marianne si Lola Ela sa bahay. Si Marianne na lamang ang tumakas.
Sinabi iyon ni Drew kay Marianne.
(Itutuloy)
- Latest