Azkals sisipa sa Group A ng Suzuki Cup
MANILA, Philippines — Mapapalaban ang Azkals sa Group A ng AFF Suzuki Cup 2020 na idaraos mula Disyembre 5 hanggang Enero 1.
Makakasama ng Pinoy squad sa grupo ang Thailand, Myanmar at Singapore.
Madadagdagan ito ng isa pang team sa mananalo sa pagitan ng Brunei Darussalam at Timor Leste sa qualifying round.
Sa inilabas na schedule ng AFF, unang maglalaro ang Azkals sa Disyembre 8 laban sa Singapore kasunod sa Disyembre 11 sa mananalo sa Brunei at Timor Leste.
Aariba pa ang Azkals sa Disyembre 14 kontra sa Thailand bago harapin ang Myanmar sa Disyembre 18.
Bahagyang natuwa si Azkals head coach Scott Cooper sa draw dahil kabisado nito ang laro ng ilang teams partikular na ang Thailand.
Nasa Group B naman ang defending champion Vietnam, runner-up Malaysia, Indonesia, Cambodia at Laos.
Sa 12 edisyong pagsalang ng Pilipinas sa Suzuki Cup, wala pa itong nakakamit na kampeonato o finals appearance.
Tanging apat na beses lamang ito nakapasok sa semifinals — noong 2010, 2012, 2014 at 2018.
Noong 2018 edisyon, nakapasok sa semis ang Azkals matapos makuha ang No. 2 spot sa group stage.
Subalit yumuko ang Pinoy booters sa Vietnam sa 2-4 aggregate score sa semis.
- Latest