Paalam lumapit sa Olympic slot
MANILA, Philippines — Lumapit si Carlo Paalam sa inaasam na tiket sa Paris Olympics matapos umabante sa Round of 16 ng 2nd World Qualification Tournament na ginaganap sa Indoor Arena sa Bangkok, Thailand.
Naglista si Paalam ng matamis na resbak kay Shukur Ovenov ng Turkmenistan kung saan nagtala ang Pinoy pug ng unanimous decision win sa men’s 57kg class.
Matatandaang sumuko si Paalam kay Ovenov sa kanilang unang pagtatagpo sa 1st World Qualification Tournament sa Italy dahil may iniindang injury noon ang Pinoy boxer.
Kaya naman inilabas na ni Paalam ang buong lakas nito para makabawi sa Turkmen bet.
“Masaya ako na nakagalaw ako nang maayos. Pagsisikapan ko pa ang sunod na mga laban,” ani Paalam.
Nauna nang tinalo ni Paalam si Alexie Lagkazasvili ng Greece via unaimous decsion sa opening round.
Kailangan ni Paalam na makapasok sa Top 3 upang awtomatikong masungkit ang tiket sa Paris Olympics.
Para magawa ito, kailangan ni Paalam na maipanalo ang kanilang tatlong sunod na laban o makapasok sa finals.
Buhay pa rin si Hergie Bacyadan na nasa round of 16 na rin ng women’s 75kg matapos patumbahin si Dunia Martinez via unanimous.
- Latest