Meralco binalikan ng barangay Ginebra
MANILA, Philippines — Hindi pumayag ang Barangay Ginebra na malugmok sa kanilang duwelo ng Meralco.
Binugbog ng Gin Kings ang Bolts, 90-71, sa Game Four para makatabla sa 2-2 sa Season 48 PBA Philippine Cup semifinal series kahapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Bumangon ang Ginebra mula sa mga kabiguan sa Games Two at Three ng kanilang best-of-seven semis showdown ng Meralco.
Pag-aagawan ng magkaribal na koponan ang mahalagang 3-2 lead bukas sa parehong venue.
Kumolekta si 6-foot-8 Japeth Aguilar ng 21 points, 6 rebounds at 2 blocks para sa Gin Kings, habang may 15 markers, 11 boards at 8 assists si Fil-German forward Christian Standhardinger.
Umiskor din si Scottie Thompson ng 15 points at nagdagdag si Stanley Pringle ng 14 markers.
“As bad as we played last game, we played good this game. I just felt the energy was so much better,” wika ni coach Tim Cone na nakahugot kay LA Tenorio ng 7 points, 6 assists, 4 rebounds at 2 steals.
Pinamunuan nina Allein Maliksi at Chris Banchero ang Bolts sa kanilang tig-14 points kasunod ang 10 markers ni Chris Newsome.
Kaagad kinontrol ng Gin Kings ang laro sa pagdakma sa 31-15 abante sa first period na kanilang pinalobo sa 73-49 sa pagtatapos ng third quarter.
Ilang beses nagpilit ang Bolts na makalapit sa final canto, ngunit hindi na sila nakaahon sa malalim na pagkakabaon.
- Latest