Altas ready sa Generals sa Finals
MANILA, Philippines — Sisimulang depensahan ng Perpetual Altas Spikers ang kanilang korona kontra Emilio Aguinaldo College paglarga ng Game One ng NCAA Season 99 men’s volleyball championship bukas sa FilOil EcoOil Center sa San Juan City.
Nais ni multi-titled coach Sinfronio ‘Sammy’ Acaylar na masikwat kaagad ang panalo upang makakuha ng bentahe sa title series.
Pangunahing sandata ni Acaylar ang kanyang mga senior tossers na pinamumunuan ni reigning MVP Louie Ramirez.
Tinalo nila ang Generals sa elimination round, 25-23, 25-23, 25-23.
Puntirya ng Altas Spikers na masungkit ang pang-apat na sunod na kampeonato at 14 sa kabuuan sapul ng sumali sila sa liga noong 1984.
“While waiting sa makakalaban namin sa Finals, we practice hard at pinag-aralan namin iyong mga set plays ng kalaban at gumawa din kami ng maraming plays para sa atake,” sabi ni Ramirez
“Sobrang pinaghandaan namin itong Game One, I don’t want na maging kampante ang mga players sa start ng series, gusto ko high intensity and I know my team in prepared physically, mentally, emotionally and spiritually, iniintay na lang namin ang result ng 2-weeks preparation namin for this series,” sabi ni Acaylar.
Nakuha ng Perpetual ang automatic first finals berth nang walisin ang single-round eliminations at pumasok naman ang Arellano, Letran at No. 2 EAC sa stepladder semis.
Pinatalsik ng Generals ang Knights sa final stage ng stepladder series, 30-28, 27-25, 19-25, 28-26.
Samantala, magtutuos ang nagdedepensang St. Benilde Lady Blazers at Letran Lady Knights sa women’s division finals sa alas-2 ng hapon.
- Latest