Tapales WBC Asian Continental champion

Marlon Tapales (left) and Sean Gibbons
Philstar.com/Ralph Villanueva

MANILA, Philippines — Pinatunayan ni two-division world champion Marlon Tapales na may ibubuga pa ito matapos magtala ng first-round knockout win para makuha ang WBC Asian Continental super bantamweight title sa labang ginanap sa Midas Hotel and Casino sa Pasay City.

Mabibigat na suntok ang pinakawalan ni Tapales para mabilis na tapusin si Nattapong Jankaew ng Thailand sa 2:15 marka sa first round.

Sa umpisa pa lang ng laban, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Tapales nang rumatsada agad ito ng kaliwa’t kanang kumbinasyon para mapabagsak ng dalawang beses ang Thai pug.

Hindi na nag-aksaya pa ng panahon si Tapales nang muli itong bumanat ng solidong atake dahilan para magulpi ng husto si Jankaew at tuluyan nang itigil ng referee ang laban.

Ito ang ika-20 knockout win ni Tapales para uma­ngat ang rekord ng Pinoy champion sa 38-4.

Bagsak naman ang Thai fighter sa 12-4 marka.

Hindi naman pinalad ang isa pang Pinoy bet at dating world title challenger na si Reymart Gaballo matapos matalo kay Mexican boxer Kenbun Torres.

Show comments