Lady Altas sinilat ang Lady Red Spikers
MANILA, Philippines — Balik sa porma ang University of Perpetual Help Lady Altas matapos nilang katayin ang San Beda University Lady Red Spikers, 20-25, 25-13, 22-25, 25-17, 15-6 sa NCAA Season 99 women’s volleyball na nilaro sa Filoil EcoOil Arena kahapon.
Sumiklab ang opensa ni Shaila Allaine Omipon matapos magtala ng 26 points, mula sa 21 attacks at apat na service aces habang bumakas si Reigning MVP Mary Rhose Dapol ng 17 points kasama ang 15 attacks at dalawang aces.
Dahil sa panalo may tsansa pa rin ang Perpetual sa asam nilang sumampa sa susunod na phase, kasalo nila sa No. 4 sa team standings ang Arellano University Lady Chiefs tangan ang tig 3-2 karta.
Nangunguna ang defending champions College of Saint Benilde Lady Blazers tangan ang malinis na limang panalo habang nasa pangalawa ang wala pa rin talo sa apat na laro na Lyceum of the Philippines Lady Pirates.
Nasa pangatlo ang Letran Lady Knights na may 4-1 karta.
Nakabawi ang Lady Altas mula sa masaklap na pagkatalo sa Lady Pirates, 25-21, 24-26, 18-25, 25-22, 15-11 noong Sabado kung saan ay nagtala pa si Dapol ng 35 puntos.
Natakasan ng Lady Altas ang mainit na laro ni San Beda power-hitting, Angel Mae Habacon.
- Latest