Ruivivar pasok sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang Team Philippines na sasabak sa 2024 Paris Olympics.
Ito ay matapos magkwalipika si Filipino-American gymnast Levi Ruivivar na sumiguro ng silya bunsod ng impresibong ipinamalas nito sa FIG Artistic Gymnastics World Cup Series Doha Leg sa Qatar.
Nakasungkit si Ruivivar ng pilak na medalya sa women’s uneven bars sapat para madagdagan ang puntos nito sa Olympic qualifying.
Inilabas ng 17-anyos na Pinay gymnast ang husay nito para makalikom ng 13.633 puntos upang masiguro ang ikalawang puwesto.
Dahil sa kanyang silver medal finish, nakakuha si Ruivivar ng 30 Olympic qualifying points para umangat sa 62 points sa overall standings ng Paris qualification.
Sa unang puwesto si Georgia-Rose Brown ng New Zealand na may 70 puntos.
Sa kasalukuyan, tatlong Pinoy gymnasts na ang lalaban sa Paris Olympics.
Kasama ni Ruivivar sina world champion Carlos Edriel Yulo at Aleah Finnegan na nauna nang humirit ng kani-kanyang puwesto sa Paris Games.
Sa World Cup Series, nakasiguro si Yulo ng tiket sa final round ng men’s parallel bars at vault matapos pumangalawa sa qualification round.
Lalaruin ang finals ni Yulo ngayong araw.
- Latest