Chery Tiggo sasalang sa krusyal na laban
MANILA, Philippines — May dalawang tsansa pa ang Chery Tiggo para makapasok sa semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.
At ayaw nilang umasa sa record ng ibang koponan para magawa ito.
“Hindi rin kami puwedeng umasa sa standings ng iba, pangit din iyong ganoong mindset na makakapasok tayo kasi aasa tayo kung matatalo si ganito,” sabi ni team captain Aby Maraño. “Hindi dapat ganoon. Work lang kami talaga sa side namin.”
Sasagupain ng Crossovers ang Akari Chargers ngayong alas-4 ng hapon matapos ang bakbakan ng Petro Gazz Angels at Galeries Tower Highrisers sa alas-2 ng hapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Sa huling laro sa alas-6 ng gabi ay magtutuos ang PLDT High Speed Hitters at Cignal HD Spikers.
Tabla sa itaas ng team standings ang Choco Mucho at nagdedepensang Creamline sa magkatulad nilang 8-2 kartada kasunod ang Chery Tiggo (7-2), PLDT (7-2), Petro Gazz (7-2), Cignal (5-4), Akari (4-5), Farm Fresh (3-7), Nxled (3-6), Galeries (3-6), Capital1 (1-8) at Strong Group Athletics (0-10).
Sumasakay ang Crossovers sa four-game winning streak kasama ang 25-22, 25-16, 25-20 pagwalis sa High Speed Hitters.
Samantala si Jonah Sabete ang muling aasahan ng Gazz Angels sa pagharap sa Highrisers bukod kay Fil-American Brooke Van Sickle.
- Latest