Beermen didikit sa quarterfinals berth
MANILA, Philippines — Itatagay ng San Miguel ang ikaanim na sunod na panalo para sa pagdikit sa quarterfinals spot sa pagsagupa sa kulelat na Converge sa Season 48 PBA Philippine Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Lalabanan ng Beermen ang FiberXers ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang upakan ng Ginebra Gin Kings at TNT Tropang Giga sa alas-7:30 ng gabi.
Bumabandera ang San Miguel bitbit ang 5-0 record kasunod ang NLEX (5-2), Magnolia (4-2), Ginebra (5-3), TNT (4-3), Rain or Shine (5-4), NorthPort (4-4), Terrafirma (4-5), Meralco (3-4), Blackwater (3-5), Phoenix (2-5) at Converge (0-7).
Umiskor ang Beermen ng 113-110 panalo sa Dyip noong Abril 10 kung saan kumamada si 6-foot-8 Fil-Tongan Mo Tautuaa ng personal season-high 24 points kasama ang 17 sa fourth period.
Sinabi ni coach Jorge Gallent na hindi sila magkukumpiyansa sa pagharap sa FiberXers na hanap ang unang panalo sa torneo.
“One game at a time. So now we think of Converge. That’s the ladder,” ani Gallent sa SMB. “So we have 11 steps (in the elimination round). We’re going to our sixth step. That’s the only thing we’re thinking of.”
Nagmula naman ang Converge sa 107-113 kabiguan sa Phoenix sa huli nilang laro.
Samantala, anim hanggang walong linggong hindi makakalaro si Fil-Am forward Jamie Malonzo para sa Gin Kings matapos magkaroon ng calf tear sa kanyang kaliwang binti.
Natamo ng 27-anyos na si Malonzo ang calf injury nang subukang mag-dunk sa huling dalawang segundo ng laro sa 95-88 panalo ng Ginebra sa NorthPort noong Linggo.
- Latest