Win No. 5 iguguhit ng Rain or Shine
MANILA, Philippines — Mula sa 0-4 panimula ay pupuntiryahin ng mainit na Rain or Shine ang pang-limang sunod na panalo sa Season 48 PBA Philippine Cup.
Lalabanan ng Elasto Painters ang NorthPort Batang Pier ngayong alas-4:30 ng hapon kasunod ang upakan ng Magnolia Hotshots at Blackwater Bossing sa alas-7:30 ng gabi sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Solo ng San Miguel ang liderato bitbit ang 5-0 record kasunod ang NLEX (5-2), Barangay Ginebra (5-3), Magnolia (3-2), NorthPort (4-3), TNT Tropang Giga (4-3), Rain or Shine (4-4), Terrafirma (4-5), Blackwater (3-4), Meralco (3-4), Phoenix (2-5) at Converge (0-7).
Nasa isang four-game winning streak ang Elasto Painters kumpara sa Batang Pier na nahulog sa dalawang dikit na talo.
Sa 116-104 panalo sa Terrafirma ay nagtala ang Rain or Shine ng 40 assists na pinakamarami matapos ang 46 assists ng San Miguel sa 145-132 paggupo sa NorthPort sa nakaraang PBA Governors’ Cup.
“They’re the No. 1 scoring team ngayon, replacing us so it’s a big challenge for both teams kasi parehong bata, parehong tumatakbo, so I think it’s going to be an exciting game,” ani Batang Pier coach Bonnie Tan sa Elasto Painters.
Nagmula ang NorthPort sa 88-95 kabiguan sa Ginebra kaya mahalaga ang talunin nila ang Rain or Shine para buhayin ang pag-asa sa quarterfinals.
Samantala, target ng Hotshots ang ikatlong sunod na ratsada sa pagsagupa sa bumubulusok na Bossing na bagsak sa apat na dikit na kamalasan.
- Latest