Lyceum, Arellano iisa ang pakay
MANILA, Philippines — Pareho ang pakay ng Lyceum of the Philippines at Arellano University, ang manatiling malinis ang karta sa NCAA Season 99 women’s volleyball tournament.
Pero isa lang sa kanila ang matutupad ang minimithi dahil sila ang magkalaban ngayong alas-10 ng umaga sa Filoil EcoOil Arena.
Tangan ng Lady Pirates at Lady Chiefs ang tig 2-0 karta, magkasalo sila sa No. 2 kaya ang mananalo ay sasaluhan sa tuktok ang defending champions De La Salle University Lady Blazers na may 3-0 card.
Si Joan Doguna ang ibabangga ng Intramuros- based squad makakatuwang niya sa opensa sina Johna Denise Dolorito at Janeth “Jaja” Tulang.
Si Doguna ang namuno sa opensa para sa Lady Pirates ng talunin nila ang San Sebastian College, 25-18, 25-22, 21-25, 25-23 noong Biyernes habang bumakas sina Dolorito at Tulang ng tig-15 at 12 markers ayon sa pagkakasunod.
Ipaparada ng Lady Chiefs sina Pauline De Guzman at Laika Tudlasan para ipantapat sa matitikas na players ng Lady Pirates.
Binarurot ng Lady Chiefs ang Mapua Lady Cardinals sa tatlong sets, 25-21, 25-21, 27-25 sa huling laro upang ilista ang pangalawang sunod na panalo.
Nahirang na Best Player of the Game si Guzman sa panalo ng Arellano matapos magtala ng 12 points lahat galing sa spikes, kasama ang anim na excellent digs at tatlong excellent receptions.
Kaya inaasahang kay De Guzman pa rin kakapit ang Lady Chiefs sa opensa.
- Latest