TNT 'di na kinatatakutan sa PBA

Si TNT Tropag Giga coach Chot Reyes habang nagbibigay ng instruction sa kanyang tropa laban sa Meralco Bolts.
PBA Images

MANILA, Philippines – Aminado si Coach Chot Reyes na hindi na pinangingilagan ang TNT Tropang Giga ngayon sa Season 48 PBA Philippine Cup.

Kaya kailangan nilang magdoble-kayod para makapasok sa quarterfinal round ng torneo na pinamumunuan ng San Miguel at NLEX bitbit ang 4-0 at 5-1 kartada, ayon sa pagkakasunod.

“We are no longer the mighty TNT. I think the sooner we accept that, the better it’s going to be for us,” wika ni veteran tactician. “We cannot win games on talent or just showing up. We really have to outwork and outhustle every team we play.”

Wala na sa lineup ang kontrobersyal na si Fil-Am point guard Mikey Williams habang sumailalim si 6-foot-8 center Poy Erram sa isang knee surgery noong Agosto ng 2023.

Pinigilan ng Tropang Giga ang dalawang sunod na kamalasan matapos agawin ang 92-90 panalo kontra sa Meralco Bolts noong Linggo.

Itinaas ng TNT ang kanilang baraha sa 3-3 kasosyo ang Barangay Ginebra at Blackwater sa fifth spot.

Sina Jayson Castro, Roger Pogoy at Calvin Oftana ang sinasandalan ngayon ng nine-time PBA champion coach na si Reyes.

“We, as coaches, have to do a better job preparing and coaching the team. It starts with me,” wika ng 59-anyos na si Reyes.

Sunod na lalabanan ng Tropang Giga ang NLEX Road Warriors sa Sabado sa Candon, Ilocos Sur.

Show comments