NU, La Salle-Lipa nagsosyo sa liderato sa Pool B

Nagdiwang ang La Salle-Lipa matapos umiskor ng panalo sa San Juan Institute sa PNVF U-18 C’ship.
STAR/ File

MANILA, Philippines — Nagsosyo sa top spot ang National University at De La Salle-Lipa matapos manaig sa kanilang mga kalaban sa Philippine National Volleyball Federation (PNVF) Under-18 Championship women’s division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.

Sinagpang ng Lady Bullpups ang Parañaque City, 25-4, 25-16 habang giniba ng La Salle-Lipa ang San Juan Institute of Technology-Batangas, 25-17, 25-19, sa 12-team women’s division.

Parehong may 2-0 record ang NU at La Salle-Lipa sa Pool B at may natitira pang dalawang laro sa single-round elims.

Sa Pool A, tinalo ng Maryhill College-Lucena (1-0) ang Limitless Sports Center (0-2), 25-18, 25-19, at pinadapa ng Gracel Christian College (1-0) ang La Salle-Zobel, 25-22, 25-21.

Tabla sa liderato ang Maryhille College-Lucena, Gracel Christian College at Santo Tomas sa Pool A sa magkakapareho nilang 1-0 baraha.

May 1-1 marka ang Montessori School matapos ang 25-10, 25-9 pagdaig sa Limitless Sports Center noong Sabado.

Magbabalik ang unang youth tournament ng PNVF na pinamumunuan ni president Ramon “Tats” Suzara sa April 5 bilang pag-obserba sa Holy Week.

Ang top four teams sa bawat pool ang papasok sa quarterfinals na isang knockout format patungo sa semifinals at championship para sa PNVF youth crown.

Show comments