Nuggets sinilat ang T-Wolves

MINNEAPOLIS — Humakot si Nikola Jokic ng 35 points at 16 rebounds para pangunahan ang nagdedepensang Denver Nuggets sa 115-112 pag-eskapo sa Minnesota Timberwolves.

Iniskor ni Michael Porter Jr. ang 13 sa kayang 26 points sa fourth quarter para sa Nuggets (48-21) na nakahugot kay Jamal Murray ng 18 points at 11 assists.

Nagdagdag si Aaron Gordon ng 14 points at 11 rebounds para sa defen­ding champions na isinuko ang hawak na 18-point lead sa first half at naiwanan sa 82-84 sa third period.

Kumabig si Anthony Edwards ng 30 points, 8 rebounds at 8 assists sa panig ng Timberwolves (47-22) at dinuplika ni Jaden McDaniels ang kanyang career high 26 points.

Naglaro ang Minnesota na wala sina injured big men Karl-Anthony Towns (knee) at Rudy Gobert (ribs).

Sa Washington, bumira si Fil-Am Jalen Green ng career high 42 points sa 137-114 pagbugbog ng Houston Rockets (33-35) sa Wizards (11-58).

Sa Orlando, umiskor si Cole Anthony ng 21 points sa 112-92 panalo ng Magic (41-28) sa Charlotte Hornets (17-52) at angkinin ang isang play-in berth sa Eastern Conference playoffs.

Sa San Antonio, tumipa si Kyrie Irving ng 28 points at kumolekta si Luka Doncic ng triple-double na 18 points, 16 assists at 10 rebounds sa 113-107 paggupo ng Dallas Mavericks (40-29) sa Spurs (15-54).

Sa New York, humataw si Zion Williamson ng 28 points para pangunahan ang New Orleans Pelicans (42-26) sa 104-91 demolis­yon sa Brooklyn Nets (26-43).

Show comments