Creamline sasabit sa liderato
MANILA, Philippines — Sososyo sa liderato ang nagdedepensang Creamline sa pagsagupa sa mapanganib na Akari sa 2024 PVL All-Filipino Conference sa Philsports Arena sa Pasig City.
Magtutuos ang Cool Smashers at Chargers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang banggaan ng baguhang Capital1 Solar Spikers at Farm Fresh Foxies sa alas-4 ng hapon.
Tabla sa itaas ng team standings ang PLDT Home Fibr, Chery Tiggo at Choco Mucho sa magkapareho nilang 2-0 baraha kasunod ang Creamline (1-0), Cignal HD (1-0), Petro Gazz (1-1), Capital1 (0-1), Akari (0-1), Galeries Tower (0-1), Strong Group Athletics (0-2) at Nxled (0-2).
Umiskor ang Creamline ng pahirapang 34-36, 25-23, 25-22, 25-15 panalo sa Farm Fresh sa kanilang unang laro sa torneo.
“We had a lot of errors like in the first set I think we had 11 in the second we had 10 so back to basics pa rin starting with the pass kasi shaky iyong pass namin nu’ng una,” ani Tots Carlos na umiskor ng 19 points sa panalo ng Cool Smashers sa Foxies.
Nakatikim naman ang Chargers ng 25-21, 18-25, 12-25, 18-25 kabiguan sa High Speed Hitters sa una nilang laro tampok ang pagparada kay Ced Domingo.
- Latest