Obiena bumasag ng asian record
MANILA, Philippines — Hindi maawat si Paris Olympics-bound Ernest John ‘EJ’ Obiena matapos masiguro ang kanyang ikalawang gintong medalya sa taong ito.
Pinagharian ni Obiena ang ISTAF meet kahapon sa Mercedes-Benz Arena sa Berlin, Germany kung saan nagtala ito ng 5.93 metro para wasakin ang mahigit dalawang dekadang Asian indoor record.
Binasag ni Obiena ang 5.92 metro na naitala ni Igor Potapovich ng Kazakhstan noon pang 1998.
Mas maganda rin ito sa personal best sa indoor ni Obiena na 5.91m na nakuha nito sa Perche Elite Tour sa Rouen, France noong 2022.
Sinimulan ni Obiena ang kampanya nito sa 5.56m mark kung saan agad nitong nakuha ng Pinoy champion sa unang attempt pa lamang.
Nilampasan na ni Obiena ang 5.66m at 5.75m at agad na tumulak sa 5.82m at matamis naman nitong naabot kasunod ang 5.93m.
Sinubukan pa ni Obiena na makuha ang 6.03m subalit bigo ito sa kanyang tatlong sunod na pagtatangka.
Nagkasya naman sa pilak si Tray Oates ng Amerika na nagtala ng 5.75m habang naibulsa ni Robert Sobera ng Poland ang tanso tangan ang 5.66m.
Ito ang ikalawang ginto ni Obiena sa indoor event matapos pagharian ang Memorijal Josip Gasparac sa Croatia noong nakaraang linggo.
Sunod na lalahukan ni Obiena ang prestihiyosong World Indoor Championship sa Glasgow, Scotland sa Marso 3 na inaasahang dadaluhan ng matitikas na pole vaulters sa mundo kabilang na si world No. 1 at world record holder Armand Duplantis ng Sweden.
- Latest