2nd win target ng Gilas sa FIBA ACQ
MANILA, Philippines — Puntirya ng Gilas Pilipinas na maibulsa ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa nito sa Chinese-Taipei ngayong gabi sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers sa Philsports Arena sa Pasig City.
Nakatakda ang pagtutuos ng Gilas Pilipinas at Chinese-Taipei sa alas-7:30 ng gabi.
Mataas ang moral ng Gilas Pilipinas na sariwa pa sa 94-64 panalo kontra sa Hong Kong noong Huwebes para makuha ang 1-0 rekord.
Sa kabilang banda, bigo naman ang Taiwanese sa kanilang unang laro matapos yumuko sa New Zealand, 69-89 sa larong ginanap sa Taipei, Taiwan.
Doble ingat ang gagawin ng Gilas Pilipinas dahil solido rin ang inilalaro ng Chinese-Taipei.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone, mabilis ang galawan ng Chinese-Taipei kaya’t kailangan nitong humanap ng paraan kung paano ito mapipigilan.
“They play with a lot of speed and pace, so we’ll have to figure out ways to slow them so we can use our height advantage,” ani Cone.
Babanderahan ang Chinese-Taipei ni Cheng Liu na isa sa pinakabeteranong miyembro ng koponan.
Sasandalan naman ng Gilas Pilpinas sina naturalized player Justin Brownlee kasama sina bigmen Kai Sotto, Kevin Quiambao, Carl Tamayo at Japeth Aguilar.
- Latest