Unang panalo hanap ng NU at Ateneo
MANILA, Philippines — Pakay ng 2023 runner-up National University Lady Bulldogs na sakmalin ang unang panalo sa pagharap sa Ateneo Lady Eagles sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magsisimula ang paluan ngayong alas-4 ng hapon pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng Adamson University Lady Falcons at University of the Philippines Lady Maroons sa alas-2 ng hapon.
Lubhang nabulaga ang Lady Bulldogs sa kanilang unang laro ngayong season matapos silang kalmutin ng mapanganib na University of Santo Tomas Golden Tigresses, 19-25, 23-25, 22-25, noong nakaraang Linggo.
Muling sasandalan ng NU sa opensa sina Alyssa Solomon at Vange Alinsug upang masikwat ang panalo at makasama sa win column sa team standings.
Tumikada si Solomon ng 16 points mula sa 14 attacks at 2 blocks, habang nag-ambag si Alinsug ng 11 markers sa kanilang pagkatalo sa Golden Tigresses.
Tulad ng Lady Bulldogs, nais din ng Lady Eagles na makabangon agad mula sa pagkakadapa sa opening day kontra sa University of the East Lady Warriors, 25-20, 17-25, 23-25, 18-25.
Huhugot muli ng puwersa ang Lady Eagles mula kina Lyann De Guzman, JLo Delos Santos at Zel Tsunashima upang ilipad ang inaasam na panalo at mapaganda ang kanilang karta.
Kumana si De Guzman ng 19 points mula sa 18 attacks at isang block nang matalo sila sa Lady Warriors, habang may 10 markers si Delos Santos.
- Latest