Alba nagpasiklab agad sa Choco Mucho
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng lakas si playmaker Mars Alba sa unang pagsalang nito suot ang Choco Mucho jersey sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Tinulungan ni Alba ang Flying Titans na makuha ang impresibong 25-12, 25-22, 25-18 panalo sa Nxled Chameleons noong Huwebes sa Fil Oil Eco Oil Centre sa San Juan City.
Nagrehistro si Alba ng 18 excellent sets habang ito rin ang tumapos sa laro nang itarak nito ang 1-2 play sa third frame.
Si Alba ang main setter ng Flying Titans dahil nagpapagaling pa sa knee injury si Deanna Wong.
“Thankful ako na nabigyan ako ng ganitong opportunity. Susundin ko lang yung sistema nila coach kasi bago lang din ako. Lahat ng pwede ko ibigay and maitulong sa team gagawin ko,” ani Alba.
Aminado si Alba na naninibago pa ito sa bagong sistema lalo pa’t galing ito sa ibang team — ang F2 Logistics na may ibang sistema rin sa ilalim ni veteran coach Ramil de Jesus.
“Nagpapasalamat kami na pinili niya kami. Nagpursige talaga kami na makuha namin siya dahil alam namin na magiging malaking part siya sa team namin,” ani Choco Mucho head coach Dante Alinsunurin.
May mga ilang dapat pang plantsahin ngunit kuntento si Alinsunurin sa ipinapakita ni Alba.
“May mga kailangan pa siyang itama pero andun namin yung mga gusto namin mangyari (sa mga plays niya). Sana magtuluy-tuloy pa,” ani Alinsunurin.
Alam ni Alba na malaki ang pupunan nito sa nabakanteng puwesto ni Wong na siyang nagmando para makapasok sa finals ang Flying Titans sa nakalipas na kumperensiya.
“Malaking challenge siya dahil last conference nakapasok sila sa finals, silver medalists sila,” ani Alba.
- Latest