Obiena wagi sa Gasparac meet
MANILA, Philippines — Nilundag ni World No. 2 pole vaulter EJ Obiena ang kanyang unang gold medal ngayong 2024 sa paghahari sa Memorial Josip Gasparac sa Osijek, Croatia.
Ipinoste ng 27-anyos na si Obiena ang 5.84 meters para sapawan sina Pedro Buaro ng Portugal (5.73m) at Olen Tray Oates ng United States (5.61m).
Sinira ni Obiena ang 5.72m ni Greek Olympian Emmanouil Karalis na naitala noong 2023.
“Indoor season finally kicked off. 5.83 for the win here @osijekmeeting,” wika ng 6-foot-2 pole vaulter. “Thank you for having us and putting on a great atmosphere.”
Nakuha ni Obiena ang 5.83m mark sa una niyang pagtatangka bago sinubukan ang 5.93m.
Ang Gasparac meet ay isa sa mga torneong ginagamit ni Obiena bilang preparasyon sa 2024 Olympic Games sa Paris.
Matapos ang Croatia meet ay sasabak ang Philippine Sportswriters Association (PSA) Athlete of the Year sa ISTAF Berlin bukas kasunod ang bigating World Athletics Indoor Championships sa Marso.
- Latest