PBA nag-adjust para sa Gilas
Nationals sasalang sa FIBA-Asia Cup qualifiers at oqt
MANILA, Philippines — Kagaya ng kanilang naunang ipinangako, mag-a-adjust ang Philippine Basketball Association (PBA) ng schedule para sa Gilas Pilipinas.
Sasalang kasi ang Nationals ni coach Tim Cone sa FIBA Asia Cup Qualifiers at sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Binilisan ng PBA ang Commissioner’s Cup best-of-seven championship series sa pagitan ng San Miguel at Magnolia na sinimulan kagabi para makahabol ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Bubuksan ng PBA ang All-Filipino Conference sa Pebrero 28 mula sa orihinal na petsang Marso 3 para maagang matapos eksakto sa kampanya ng Gilas sa FIBA OQT.
“Nag-adjust kami para sa Gilas. Dapat sa March 3 ang opening (Philippine Cup), pero tatamaan kasi iyon (OQT), kaya February 28 na ang opening,” sabi ni PBA Commissioner Willie Marcial.
“Kaya tinatanong na namin kung ano iyong mga windows, para ia-adjust na namin iyong schedule,” dagdag nito.
Lalabanan ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa Pebrero 22 para sa pagsisimula ng FIBA Asia Cup Qualifiers kasunod ang pagsagupa sa Chinese Taipei sa Pebrero 25 sa Philsports Arena sa Pasig City.
Matapos ito ay sasabak ang Nationals sa OQT sa Hulyo para sa tsansang makapasok sa 2024 Paris Olympics na nakatakda sa Hulyo 26 hanggang Agosto 11.
Nakatakda ang OQT sa Hulyo 2 hanggang 7 sa Riga, Latvia.
Sasagupain ng Gilas Pilipinas ang Latvia at Georgia sa Group A at ang Brazil, Cameroon at Montenegro sa Group B.
Ang top team ang bibigyan ng tiket para sa Paris Olympics.
- Latest